
Nakipagtulungan ang Department of Education o DepEd sa global healthcare company na Abbott upang ilunsad ang Nutrition and Growth Champions Program na naglalayong palakasin ang pagtukoy sa mga batang may malnutrisyon at pagpapalawak ng kaalaman sa tamang nutrisyon sa mga paaralan. Unang ipatutupad ang programa sa 100 pilot schools sa Metro Manila kung saan mahigit 130 guro at school health personnel ang sasanayin upang magsagawa ng nutrition screening at nutrition education.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang programa sa pagpapaigting ng school feeding at nutrition programs ng DepEd sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy sa mga batang may panganib na makaranas ng malnutrisyon at maibigay sa kanila ang kinakailangang suporta. Batay naman sa 2025 survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute, nasa 25.3 porsiyento ng mga batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ang nakararanas ng stunting.
Target ng programa na magsagawa ng growth screening dalawang beses kada taon sa mga kalahok na paaralan at inaasahang makikinabang dito ang mahigit 70,000 mag-aaral sa Metro Manila. Sinabi ni Abbott Philippines Nutrition General Manager Angelico Escobar na layunin ng inisyatiba na mas mapabilis ang pagtukoy sa mga batang nanganganib sa malnutrisyon at mapalawak ang kamalayan sa wastong nutrisyon sa mga paaralan at komunidad.




