
Nakiusap si Senate Committee on Basic Education, Chairperson, Senador Bam Aquino sa Department of Education at Commission on Higher Education na gamiting mabuti ang P1.34 trilyon na pondong laan sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Aquino, kung titignan sa kasaysayan, ito na ang pinakamataas na pondong natanggap ng edukasyon at wala ring naibawas dito dahil patuloy nila itong ipinaglaban hanggang sa bicameral conference committee meeting.
Kasunod nito, iginiit niya na ang ‘bola’ nito ngayon ay hawak na ng mga ahensya ng edukasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Aquino na dapat lang na tiyakin ng mga ito na gawin ang tama at siguraduhing walang anumang korapsyon ang masisingit dito.
Tiniyak naman nitong patuloy nilang babantayan ang paggamit ng mga ahensya rito para magarantiya na walang ghost project at ghost student na makakalusot pa.









