Pormal na inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang kanilang partnership sa National Electrification Administration (NEA) upang maghatid ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga isolated o “last mile schools.”

Ayon sa DepEd, tinutukoy ng “last mile schools” ang mga paaralang matatagpuan sa mga “geographically isolated and disadvantaged areas” o mga lugar na mahirap maabot.

Layunin ng kolaborasyon sa NEA na magbigay serbisyo sa mga off-grid at underserved na lugar, ayon sa isang pahayag ng DepEd nitong Huwebes.

Suportado ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng pondo mula sa gobyerno at mga grant, pati na rin ng dagdag na tulong mula sa pribadong sektor, mga kooperatibang elektrisidad, at mga lokal na pamahalaan.