TUGUEGARAO CITY-Bubuo ang Department of Education (DEPED) ng task force o tatawaging ncov Task force kasunod ng pagdami ng bilang ng mga PUI o patient under investigation ng novel coronavirus sa bansa.
Ayon kay Ferdinand Narciso ng DEPED-region 2, ito ay derektiba ng central office na layon nitong mailayo sa banta ng ncov ang mga mag-aaral.
Aniya, seryoso ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon ng nCov kung saan may mga individual na umanong itinalaga para mag-ikot mga eskwelahan.
Maging ang mga guro ay nabigyan na umano ng abiso na kung ang isang mag-aaral ay nakitaan ng kaparehong sintomas ng nCov tulad ng sipon, ubo at lagnat ay kaagad na ipatingin sa kanilang school clinic para mabigyan ng agarang gamot.
Sinabi ni Narciso na nananatiling handa ang DEPED sa naturang virus sa pamamagitan ng kanilang mga health personnel at opisyales at ang pagtuturo sa mga mag-aaral na maging malinis sa katawan.