Tinututukan ngayon ng Department of Education o DEPED Cagayan ang pagpapataas sa performance ng mga mag-aaral sa Mathematics, Science, English at Reading.

Sa ipinatawag na Stakeholders’ Convergence Cum Project report o Reporting Educational Progress and Outlining Reforms and Targets ng Schools Division Office Cagayan, iprinesenta ni Schools Division Supt. Dr. Reynante Caliguiran na batay sa division exit assessment sa nakalipas na school year 2023-2024 mas mababa sa 80 percent ang overall performance ng mga grade 3, 6, 10 at 12 sa mga key areas gaya ng English, math at science.

Ayon pa kay Dr. Caliguiran na lumabas din sa Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) post test sa nakalipas na school year 2023-2024 na nasa 9,839 mag-aaral ang nasa ilalim ng frustration level mula sa 58, 153 na kabuuang bilang ng mga estudyante na sinuri.

Sinabi ni Caliguiran na kabilang sa kanilang mga nakikitang rason ng mababang performance ng mga mag-aaral ay dahil sa poverty issue, mga naranasang kalamidad at kakulangan ng mga pasilidad para sa mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Romel Libang, OIC Asst. Schools Division Supt. ng Deped Cagayan na maaari ding iugnay ang mababang achievement ng mga mag-aaral sa mga naturang assessment sa epekto ng naranasang pandemya kung saan nagkaroon ng transition mula face to face classes patungong Alternative Delivery Mode of Teaching.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ni Libang na isa ito sa mga prayoridad ng Deped Cagayan na ma-iangat ang performance ng mga mag-aaral sa tulong ng mga magulang at ng buong komunidad.

Ayon kay Caliguiran na mayroong nakalatag na interventions ang Deped Cagayan para matugunan ang naturang problema.

Kabilang aniya sa mga gagawin ay bababa sa mga eskwelahan ang mga district supervisors para alamin ang tunay na sitwasyon ng mga mag-aaral at guro na nakakaapekto sa performance ng mga bata para mahanapan ito ng solusyon.

Umapela din si Caliguiran sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak para mas madaling matutu ang mga ito lalo na sa pagbabasa.

Dagdag pa ng opisyal na binibigyan ng SDO ng kalayaan ang mga eskwelahan na magpatupad ng mga interventions na sa alam nila ay makakatulong para mapahusay ang performance ng kanilang mga estudyante.

Kabilang pa sa mga ipatutupad ng ahensiya ay ang karagdagang pagsasanay sa mga guro para maitaas ang level ng kanilang proficiency na magagamit sa pagtuturo sa mga mag-aaral.