Tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Cordillera Administrative Region sa August 22 sa kabila ng mga panawagan na iurong ang pagbubukas ng klase lalo na sa lalawigan ng Abra na lubhang napinsala ng magnitude 7.0 na lindol noong Hulyo 27.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cyrille Gaye Miranda ng Public Affairs Unit ng DepEd-CAR na puspusan na ang paghahanda ng lahat ng mga eskwelahan para sa pagbubukas ng klase.

Kabilang dito ang pagtatayo ng temporary learning spaces o tent-style makeshift classrooms na donasyon mula sa United Nations (UN) habang hindi pa naaayos ang mga school buildings na nasira bunsod ng lindol sa Abra at mga karatig lalawigan.

Batay sa datos mula Agosto 8, pumalo na sa 508 na paaralan ang totally damaged; 1,030 na major damaged o nakitaan ng malaking bitak at mahigit isang libo rin para sa minor partially damaged.

Sa naturang datos ay pinakamalaki ang naitala sa Abra na aabot sa 330 ang totally damaged, habang 482 na major at 795 na minor partially damaged.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Miranda, posible pang madagdagan ang naturang datos sa nagpapatuloy na assessment at validation ng mga inhinyero mula sa DEPED, sa pakikipagtulungan ng DEPED-RO2 na ipinadala sa Abra.

Layon nito na mapabilis ang pagkalap ng datos para sa kakailanganing pondo sa pagpapatayo o pagpapaayos ng mga naturang paaralan.

Pero, sinabi ni Miranda na ang mga paaralan ay maaari ding magpatupad ng distance learning modalities kung hindi kaagad makapagbigay ng mga pansamantalang espasyo sa pag-aaral.

Sa darating na Lunes, ilulunsad ng DepEd CAR ang Oplan Balik Eskwela – Public Assistance Command Center na layong tugunan ang mga tanong, reklamo at iba pang concerns na karaniwang nararanasan ng publiko sa pagsisimula ng pasukan.