
Nag-utos ang Department of Education Schools Division Office ng Davao de Oro ng masusing imbestigasyon sa insidente ng pananakit ng dalawang estudyante sa isang guro sa Elizalde National High School sa bayan ng Maco.
Nangyari ang insidente noong Hulyo 27 matapos umanong sawayin ng 55-anyos na guro ang isang estudyante dahil sa paglabag sa polisiya ng paaralan sa pagsusuot ng hikaw. Nagtamo ng mga sugat ang guro matapos umano siyang bugbugin ng estudyante at kapatid nito bago naawat ng iba pang mag-aaral.
Ayon sa DepEd, hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng karahasan sa paaralan at tiniyak na patas at masusing iimbestigahan ang insidente. Nagbibigay na rin ng kaukulang suporta sa guro at guidance intervention sa mga estudyanteng sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.




