Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa bansa na magtatag ng School Sports Clubs (SSCs) bilang bahagi ng pagsulong sa holistic development at physical fitness ng mga mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang hakbang na ito ay tugon din sa learning loss na idinulot ng pandemya.
Aniya, hindi lang ito tungkol sa paglalaro kundi sa disiplina, teamwork, at tibay ng loob, mga katangiang dapat bitbit ng mag-aaral hanggang sa tunay na buhay.
Maglalaan ang mga paaralan ng dalawa hanggang tatlong oras kada linggo para sa supervised sports activities bilang dagdag sa Physical Education curriculum.
Gagawing mandatory ang Arnis, habang ang iba pang sports ay iaalok batay sa interes ng mga estudyante at kakayahan ng paaralan.
Layon din ng DepEd na isulong ang unified sports, kung saan maglalaro nang magkasama ang mga batang may kapansanan at wala, upang isulong ang inklusibidad at bawasan ang bullying.
Ang pagiging miyembro ng SSC ay boluntaryo at bukas para sa lahat, kabilang ang mga nasa Alternative Learning System.
Dagdag ni Angara, sa bawat oras na ginugugol ng mga mag-aaral sa laro at ensayo, lumalakas din ang kanilang konsentrasyon, memorya, at kakayahang magtagumpay sa klase.