Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Generation HOPE program bilang tugon sa matagal nang problema ng bansa sa kakulangan ng silid-aralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malaking hakbang ito upang matiyak na walang batang maiiwan sa edukasyon.

Iginiit niya na sa tulong ng pribado at pampublikong sektor, mas mapapabilis ang pagtupad sa pangarap na mabigyan ng sapat na pasilidad ang lahat ng mag-aaral.

Katuwang ng DepEd ang HOPE at iba pang lokal na brand sa pagpapatayo ng matitibay at ligtas na silid-aralan.

Ang bawat silid ay may sukat na 7-by-9 metro at idinisenyo upang makayanan ang matinding panahon.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon din itong chalkboard, lamesa ng guro, bentilador, malalaking bintana para sa bentilasyon, mataas na kisame para sa malamig na airflow, at sariling palikuran upang matiyak ang ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.

Itinuturing ng DepEd na mahalagang katuwang ang Generation HOPE sa kanilang classroom-building program sa ilalim ng public-private partnership (PPP).

Sa sistemang ito, mas napapadali ang paglalaan ng mga pondo at proyekto sa mga lugar na higit na nangangailangan ng mga silid-aralan.

Ayon sa HOPE, ang 100% ng kita mula sa kanilang mga produkto gaya ng Hope in a Bottle at Hope in a Box ay direktang napupunta sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kilalang brand, layunin nilang mas mapalawak pa ang saklaw ng proyekto at matulungan ang mas maraming paaralan sa mga liblib at kulang na lugar.