
Isinusulong ng Department of Education o DepEd ang patuloy nitong mga reporma upang mapalakas ang foundational learning sa bansa sa ginanap na Education World Forum 2026 sa London mula Mayo 17 hanggang 20.
Ayon kay DepEd Undersecretary at Chief of Staff Fatima Lipp Panontongan, kinakailangan ng malalim at pangmatagalang reporma sa edukasyon upang higit na mapabuti ang suporta para sa mga guro at mag-aaral.
Sinabi ni Panontongan na hindi sapat ang mga pansamantalang proyekto o short-term campaigns upang maresolba ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon, kaya kailangan ng structural reforms para mapalakas ang operasyon ng mga paaralan, suporta sa mga guro, at paghahatid ng resulta ng sistema ng edukasyon.
Sa forum, kinilala rin ng international counterparts ang malaking pondong inilaan ng pamahalaan para sa edukasyon na umabot sa tinatayang apat na porsiyento ng gross domestic product (GDP) ngayong taon.
Kabilang sa mga programang itinampok ng DepEd ang School-Based Feeding Program para sa Kindergarten at Grade 1, distribusyon ng storybooks para sa Kindergarten hanggang Grade 3, at Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.
Ipinakita rin ng Pilipinas ang pakikipagtulungan nito sa ASEAN kabilang ang ASEAN Leaders’ Declaration on Foundational Learning at ang nalalapit na ASEAN Work Plan on Education 2026–2030 na may programang ASEAN Academic Recovery and Catch-up Program o ASEAN ARC-UP.
Ayon pa kay Panontongan, naniniwala ang Pilipinas na ang learning recovery ay isang panrehiyong responsibilidad na nangangailangan ng sama-samang solusyon.
Kasama rin sa delegasyon ng DepEd sina DepEd Undersecretaries Carmela Oracion at Rafaelita Aldaba.










