Muling iginiit ng Department of Education (DepEd) ang mahigpit nitong pagpapatupad ng zero tolerance policy laban sa mga “pay-for-position” na iskema, at mariing kinondena ang lahat ng anyo ng katiwalian kaugnay ng mga appointment, promosyon, at pagtalaga ng mga tauhan sa loob ng ahensya.

Ayon sa pahayag ng DepEd, kailangang ibatay lamang sa merito, kakayahan, at kagalingan ang anumang pagkilos ng mga tauhan, alinsunod sa batas ng Civil Service at mga umiiral na panuntunan.

Anumang porma ng panunuhol, panunuyo, o pagtanggap ng pabor kapalit ng trabaho, promosyon, o paglipat ng pwesto ay itinuturing na mabigat na paglabag at maaaring patawan ng administratibo, sibil, at kriminal na parusa sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nanawagan din ang kagawaran sa mga guro, kawani, at publiko na agad isumbong ang anumang katiwaliang ganito sa Office of the Secretary, DepEd Central Office, o sa mga ahensya ng batas gaya ng NBI at PNP.

Tiniyak ng DepEd na pananatilihing kumpidensyal ang lahat ng reklamo at bibigyan ng sapat na proteksyon ang mga whistleblower.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na mensahe, nagbabala si Education Secretary Sonny Angara laban sa sinumang magsasamantala sa sistema para sa pansariling interes.

Aniya, hindi niya pahihintulutan ang katiwalian sa loob ng DepEd, at kailangang pairalin ang kakayahan, integridad, at malasakit para sa bayan at sa kabataang Pilipino.

Dagdag pa niya, ang sinumang mapapatunayang lumabag ay agad na isusumbong at pananagutin sa ilalim ng batas.