
Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines upang matulungan ang mga school head sa pagtukoy kung kailan dapat magsuspinde ng klase at kung anong learning mode ang ipatutupad bago, habang, at pagkatapos ng mga emergency at kalamidad.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 14, Series of 2026, pinahihintulutan na ang mga school head na makipag-ugnayan sa Schools Division Superintendent at mga local government unit para magpatupad ng granular o mas target na suspensyon ng klase batay sa aktuwal na sitwasyon sa kanilang komunidad.
Ayon sa DepEd, layunin nitong matiyak na ang pagsuspinde ng klase ay nakabatay sa pangangailangan ng mga apektadong silid-aralan, baitang, o paaralan, sa halip na agad na magpatupad ng malawakang kanselasyon sa buong dibisyon.
Kasabay nito, inilunsad din ng kagawaran ang bagong Levels-Based Learning Continuity Framework na magsisilbing gabay sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa panahon ng mga sakuna at iba pang emergency.
Sinabi ng DepEd na magsisilbi ring gabay ang framework sa pagpili ng angkop na learning response depende sa sitwasyon ng mga mag-aaral at guro sa bawat lugar.
Nagtakda rin ang kagawaran ng mga pamantayan para sa paggamit ng emergency learning resources tulad ng printed at digital modules, learning packets, broadcast materials, family learning kits, home learning support materials, check-in guides, at iba pang emergency education tools.
Ayon sa DepEd, bahagi ito ng paghahanda ng sektor ng edukasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante kahit sa panahon ng kalamidad, sakuna, at iba pang krisis.










