Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi nito ipinagbabawal ang pagsusuot ng toga sa mga graduation at moving-up ceremonies, kasunod ng kontrobersyal na insidente sa isang paaralan sa Antique kung saan pinatanggal umano ng punong-guro ang mga toga ng ilang mag-aaral.

Ayon sa DepEd Memorandum No. 27, s. 2025 at DepEd Order No. 009, s. 2023, pinapayagan ang pagsusuot ng school uniform, kaswal, o pormal na kasuotan, at maaaring gumamit ng toga o sablay bilang opsyonal na karagdagan.

Nagpahayag ng pagdadalamhati ang DepEd sa insidente, na anila’y sumira sa diwa ng selebrasyon ng pagtatapos kung saan ang okasyong dapat ay isang panahon ng celebration at pride ay naging dahilan ng pagkadismaya para sa mga mag-aaral at kanilang pamilya.

Agad namang isinagawa ng ahensiya ang imbestigasyon upang alamin ang mga detalye at matukoy kung may pananagutang administratibo.

Iginiit din ng DepEd ang direktiba nito sa lahat ng mga opisyal ng paaralan na panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo, malasakit, at paggalang sa pagpapatupad ng mga polisiya—lalo na’t kailangang tiyakin ang karapatan at dignidad ng bawat mag-aaral.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinumpirma ng Schools Division of Antique na nagsagawa na ito ng mga hakbang, kabilang ang pagtatalaga ng investigation team, pagsumite ng incident report, at pagbuo ng intervention plan.

Tiniyak din ng dibisyon na matatanggap pa rin ng mga apektadong mag-aaral ang kanilang mga diploma at sertipiko, at maglalaan ng psychological support para sa mga naapektuhan.