Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) ang buong suporta at pakikipagtulungan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng utos nitong magsampa ng kaso laban sa dating Kalihim ng Edukasyon na si Leonor Briones, dating Budget Undersecretary Christopher Lao, at ilang dating opisyal ng kagawaran.
Ang mga ito ay kinasuhan ng katiwalian, falsification, at perjury kaugnay ng umano’y sobrang mahal na P2.4 bilyong halaga ng laptops na binili noong 2020 para sa distance learning sa gitna ng pandemya.
Ayon sa DepEd, handa silang magsumite ng mga dokumento, impormasyon, at iba pang kinakailangang tulong upang masiguro ang transparency at panagutin ang sinumang responsable.
Nilinaw rin ng ahensya na ang mga opisyal na isinasangkot sa kaso ay wala nang anumang posisyon o koneksyon sa kasalukuyang pamunuan ng DepEd.
Ang naturang laptops, na binili sa halagang P58,300 bawat isa, ay sinuri ng Commission on Audit at kinilalang overpriced kumpara sa mahinang technical specifications nito tulad ng outdated na Celeron processor.
Ayon sa Ombudsman, ang mga pagbabagong ginawa sa bidding process ay nagbunga ng hindi makatarungang kalamangan para sa Joint Venture consortium, na nagdulot ng matinding perwisyo at pagkalugi sa gobyerno.