
Lumagda ang Department of Education (DepEd) sa isang kasunduan sa mga local government unit (LGU) upang mapabilis ang konstruksyon, pagkukumpuni, at pag-upgrade ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan gamit ang pondo ngayong taon.
Ayon sa DepEd, layon ng memorandum of agreement (MOA) na paigtingin ang koordinasyon sa LGUs sa pagtukoy ng mga prayoridad na paaralan at mas mapabilis ang implementasyon ng mga classroom project alinsunod sa pambansang pamantayan at lokal na pangangailangan.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mas magiging mabilis ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan kapag katuwang ang LGUs, lalo’t target ng DepEd na matugunan ang tinatayang 165,000 classroom shortage sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang DepEd ng standardized designs, technical guidelines, at oversight upang masigurong pasado sa audit at quality standards ang mga proyekto.
Nakasaad din sa MOA ang malinaw na tungkulin ng DepEd at LGUs, kabilang ang pondo, timeline, at monitoring, upang matiyak ang transparency at wastong paggamit ng pondo ng bayan.










