Nangako ang Department of Education (DepEd) na paiigtingin ang kampanya laban sa pambu-bully sa mga paaralan ngayong darating na pasukan sa taong 2025-2026.

Ito ay kaugnay ng mga ulat sa buong mundo na tumatawag sa Pilipinas bilang “bullying capital of the world.”.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Operations Jocelyn Andaya, naglabas na ng bagong mga alituntunin ang kagawaran para sa mga paaralan bilang bahagi ng pinaigting na pagtutok sa isyung ito.

Aniya, nakapaloob na rin sa Operation Balik Eskwela ngayong taon ang laban kontra bullying.

Bilang karagdagang hakbang, iniutos din ni Andaya ang paggamit ng metal detectors, pagsusuri ng mga bag, at inspeksyon sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

-- ADVERTISEMENT --

Magdaragdag rin ng mga guwardiya at hihingi ng tulong sa mga lokal na pamahalaan upang palakasin ang seguridad.

Sinisikap din ng DepEd na punan ang kakulangan sa guidance counselors, ngunit dahil sa kakulangan ng aplikante, pansamantalang nagtatalaga sila ng mga gurong sinanay para gampanan ang papel na ito bilang “guidance designates.”

May kakulangan din umano sa mga punong-guro kaya may ilang guro ang pansamantalang nagsasagawa ng administratibong tungkulin.

Patuloy rin ang koordinasyon ng mga paaralan sa mga barangay, LGU, at lokal na pulisya upang matiyak ang seguridad, lalo na sa pagbubukas at pagtatapos ng klase bawat araw. Nakatakdang magbukas ang klase sa Hunyo 16.