Tiniyak ng Department of Education Region 2 na maayos na naipatutupad ang lahat ng mga basic at special education program sa Cagayan Valley Region.

Sinabi ni regional Director Benjamin Paragas na bagamat may mga kakulangan sa ilang pasilidad at guro, patuloy ang kanilang pagsisikap upang masiguro na lahat ng mga mag-aaral ay nakakapag-aral ng maayos.

Aniya, inaayos ang mga silid-aralan na luma at nasira ng mga kalamidad upang magamit pa rin ng mga mag-aaral.

Nagpasalamat din si Paragas sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang suporta sa mga programang pang-edukasyon, lalo na sa pagbibigay ng karagdagang guro at kagamitan sa mga eskwelahang may kakulangan.

Dagdag pa rito, dumarami rin ang mga eskwelahang nagtatatag ng mga special education programs, tulad ng mga programa para sa sining, banyagang wika, teknikal at bokasyonal na edukasyon, at espesyal na edukasyon para sa mga may kapansanan.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa nito, may mga Madrasah teachers para sa mga Muslim na estudyante sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Gayunpaman, may mga pagkakataon na nahihirapan silang makahanap ng mga Madrasa teacher dahil sa kakulangan ng mga Muslim na nakapagtapos ng kursong pagtuturo.

Sa usapin ng Indigenous Peoples Education (IPED), inihayag ng direktor na pinagtitibay ng bawat probinsya ang kanilang IPED program.

Samantala, kasalukuyan nang isinasagawa ang pagkukumpuni ng mga paaralan na nasira ng bagyong Julian sa Batanes at Cagayan.

Aniya may nauna nang naibigay na tulong ang DepEd para sa agarang pagsasaayos ng mga silid-aralang nasira ng bagyo sa mga bayan ng Batanes at sa Calayan Island sa Cagayan.

Inihayag din niya na naglunsad ang kagawaran ng donation drive para sa mga boluntaryong nais tumulong sa rehabilitasyon ng mga nasirang pasilidad sa mga nasabing lugar.

Dagdag pa ni Paragas, bumalik na sa regular na klase ang mga mag-aaral ng Batanes at Calayan, kahit na hindi pa lubos na naibabalik ang mga nasirang pasilidad.