
Matagumpay na nasungkit ng mga kalahok mula Department of Education (DepEd) Region 02 ang kabuuang 17 parangal sa Best School Paper category ng National Schools Press Conference (NSPC) 2025 na ginaganap sa Vigan City, Ilocos Sur.
Ayon kay Octavio Cabasag, Chief Education Supervisor ng Curriculum and Learning Management Division, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakamit ng rehiyon ang ganitong bilang ng pagkilala sa nasabing kategorya.
Sa naturang bilang, 13 parangal ang nakuha mula sa elementarya at 4 parangal naman mula sa sekondarya.
Ipinahayag ni Cabasag na itinuturing nila itong “most improved” performance ng rehiyon, patunay sa pagtutulungan ng mga paaralan, magulang, at lokal na pamahalaan.
Patuloy naman ang pag-asa ng DepEd Region 02 na madaragdagan pa ang mga karangalang maiuuwi ng kanilang delegasyon habang nagpapatuloy ang kompetisyon.
Noong nakaraang taon, nagtapos sa Top 5 nationwide ang Region 02 sa NSPC 2024 mula sa kabuuang 17 rehiyon sa buong bansa.