TUGUEGARAO CITY-Ikinagalak ng Department of Education (DEPED)-Region 2 ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas para sa dagdag-sahod ng mga empleyado ng pamahalaan o ang Salary Standardization Law of 2019 kung saan kabilang ang mga guro sa mabebenepisyuhan.
Ayon kay Ferdinand Narciso ng Deped-Region 2, malaking tulong para sa mga kaguruan ang pagtaas ng sahod dahil na rin sa pagtaas ng mga bilihin.
Aniya, bagamat hindi kalakihan ang maidadagdag sa sahod, sapat na rin ito para sa pang araw-araw na pangangailangan ng mga kaguruan lalo na at ilan sa mga guro ay sariling pera ang ipinapambili sa mga kakailangin sa kanyang pagtuturo.
Nagpasalamat naman si Narciso kay pangulong Rodrigo Duterte sa pagpirma sa dagdag sahod ng mga guro
Nabatid na may kabuuang 34.2 bilyong piso ang inilaan ngayong 2020 na pondo para maitawid ang unang tranche ng pay hike para sa mga government employee kabilang ang guro.
Kaugnay nito, hinimok ni Narciso ang mga kaguruan na pagbutihin ang kanilang trabaho bilang kapalit ng kanilang dagdag sahod.