ctto

Tuguegarao City- Nilinaw ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) Region 2, na walang kaugnayan sa pamamahagi ng module ang pagpopositibo sa COVID-19 ng 10 mga guro Ilagan City, Isabela.

Sa panayam kay Dr. Estela Cariño, director ng DepEd Region 2, sinusunod ng kaguruan ang mga panuntunan sa pamamahagi ng modules.

Aniya, kung sakali na hindi nakuha ng magulang ang mga modules ng kanilang anak ay idinadala ito sa mga drop-off area sa mga barangay upang doon ito mismong kunin.

Paliwanag nito, lalabas at lalabas naman sa contact tracing ng mga otoridad ang posibleng mga nakasalamuha ng gurong pinagmulan ng virus.

tinig ni Cariño

Una rito ay nagpositibo aniya ang isang guro ng Ilagan West National HS, kung saan agad na nagtungo sa pagamutan upang magpacheck up matapos lagnatin noong September 22.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Cariño na nanatili ang nasabing guro sa pagamutan hanggang September 25 at hinintay na lumabas ang resulta ng rapid test nito at nagnegatibo naman.

Kaugnay nito ay muli pa rin siyang isinailalim sa swab test at ng lumabas ang resulta noong September 30 ay nagpositibo na ito sa virus.

Dahil dito ay boluntaryo aniyag nagpaswab test ang 17 mga guro mula sa nasabing pagamutan hanggang sa lumabas na 9 sa mga ito ang nagpositibo sa sakit.

Gayonman, ay agad namang dinala sa mga quarantine facilities ang mga nasabing guro na ngayon ay asymptomatic at nasa maayos umanong kondisyon.

Tiniyak ng DepEd Region 2 na kasabay ng hamon sa pagsisimula ng new normal learning sa pagbubukas ng klase ay susundin ang mga inilalatag ng mga otoridad na panuntunan upang makaiwas sa pagkalat ng virus.

Nanawagan naman si Cariño ng kooperasyon sa publiko at hinikayat nitong ipagbigay alam ang mga dapat pang malaman ng kagawaran upang agad na matugunan para sa pagbibigay ng magandang kalidad ng edukasyon sa rehiyon.