Sinampahan na ng Department of Education (DepEd) ng kaso ang pitong pribadong paaralan dahil sa umano’y paglalagay ng mga “ghost students” o pekeng estudyante bilang benepisyaryo ng Senior High School Voucher Program ng gobyerno.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, umabot sa P61.9 milyon ang kabuuang halagang sangkot sa isyu. Ipinasa na umano sa tanggapan ng piskal ang mga kaso at nagpadala na rin ng demand letter ang DepEd sa mga sangkot na paaralan.

Matatandaang noong Pebrero, iniimbestigahan ng DepEd ang 12 pribadong paaralan sa iba’t ibang lugar tulad ng Bulacan, Pangasinan, Metro Manila, Pampanga, Tarlac, Rizal, Northern Samar, Davao del Sur, at Maguindanao dahil sa kaparehong alegasyon.

Sa ilalim ng voucher program, tumatanggap ng P14,000 hanggang P22,500 ang mga kuwalipikadong Grade 11 students para sa kanilang matrikula sa pribadong paaralan.

Sa isang pagdinig naman sa Senado noong nakaraang taon, lumabas na may higit 19,000 “ghost students” sa ilalim ng E-GASTPE program, na kinabibilangan ng voucher scheme.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon ng DepEd legal department at target nilang mabawi ang hanggang P100 milyon mula sa mga mapanlinlang na claim.