Target ng Department of Education (DepEd) na simulan ngayong taon ang konstruksyon ng nasa 34,000 silid-aralan, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Ito ang tugon ni Angara sa tanong ni Representative Edgar Erice kung kaya pa bang makumpleto ang target na 40,000 silid-aralan bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Ayon kay Angara, nasa ₱60 bilyon ang inilaan ngayong taon para sa imprastraktura at bagong classrooms na maaaring katumbas ng 18,000 silid-aralan, habang isa pang 16,000 classrooms ang isinusulong sa pamamagitan ng public-private partnership.

Gayunman, sinabi ni Angara na malaki pa rin ang kailangang habulin dahil tinatayang mahigit 140,000 silid-aralan ang kasalukuyang kakulangan sa bansa.

Samantala, inihayag ng DepEd ang panukalang ₱975.96-bilyong budget para sa 2027, kabilang ang pondo para sa mga attached agencies nito.

-- ADVERTISEMENT --