Natuklasan ng mga mambabatas ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang mga aksidente sa mga lansangan, alitan dahil sa trapiko at road rage sa kabila na 11 taon na ang Republic Act (RA) No. 10586, o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Marami sa mahigit 700 units ng breathalyzers, na nagkakahalaga ng mahigit P51 million o P68,000 bawat isa na binili ng Land Transportation Office (LTO) ay depektibo kaya hindi nagagamit.

Sa katunayan, ang units na ipinamahagi sa Philippine National Police at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay ibinalik sa LTO dahil hindi calibrated ang mga ito.

Naisiwalat ito sa pagdinig ng Senate committee on public services, na pinamumunuan ni Senator Raffy Tulfo sa Fair Traffic Apprehension Act.

Ang breathalyzers ay mga instrumento na sumusuri sa alcohol level ng mga motorista at mahalaga sa pagsasampa ng drunk-driving cases sa korte.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Rulfo kay LTO Law Enforcement Service Director Francis Almora na masyadong mahal ang P68,000 bawat isa na breathalyzer.

Subalit, sinabi na wala siyang data tungkol sa presyo ng nasabing kagamitan.

Dahil dito, nagbigay si Tulfo ng presyo ng breathalyzer sa ibang bansa tulad sa US na P5,000 hanggang P14,000, sa Thailand ay P3,000 per unit habang sa China ay P22,000.

Sinabi ni Almora na aalamin niya ang nasabing usapin dahil sa binili ang mga breathalyzer bago siya umupo sa puwesto.

Sa patuloy na pagtatanong ni Tulfo, sinabi ni Almora na plano nilang bumili ng mga bagong breathalyzers na kanyang ikinagalit dahil sa nasayang lang pera ng mamamayan sa mga depektibo na mga unang procurement ng LTO.

Subalit, sinabi ni Transportation Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega na wala munang paggalaw ngayon sa plano dahil aalamin pa nila ang tunay na nangyari sa nakalipas na procurement.