Inihayag ni Nicholas Kaufman, pangunahing abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ihahain ng depensa ang apela laban sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na itinuturing si Duterte na “fit to participate” sa pre-trial proceedings.

Ayon kay Kaufman, na-deny umano ng kanyang kliyente ang karapatang due process.

Noong Lunes, Enero 26, inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I ang 25-pahinang desisyon na tinanggihan ang kahilingan ng depensa para sa indefinite adjournment dahil umano sa “cognitive impairment” ni Duterte.

Binanggit sa desisyon na may sapat na kakayahan ang dating pangulo upang maunawaan ang mga kaso laban sa kanya, makasunod sa proseso, at gabayan ang kanyang mga abogado.

Ang confirmation of charges hearing ay muling itinakda sa Pebrero 23 matapos ang limang buwang postponement.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ng Chamber na ang mental capacities ay hindi kinakailangang nasa pinakamataas na antas, kundi sapat lamang upang maipagpatuloy ang makatarungang proseso.

Siniguro rin ng hukuman ang impartiality at neutrality ng mga eksperto na nagsagawa ng medical assessment.

Subalit, iginiit ng depensa na kulang sa independensya ang panel ng mga eksperto.

Idinagdag niya na hindi rin nabigyan ng pagkakataon ang depensa na iprisinta ang sariling medical evidence at kuwestyunin ang magkakaibang findings ng mga eksperto na itinakda ng hukuman.