Tiniyak ng defense panel ni Vice President Sara Duterte na hindi maaapektuhan ang kanilang paghaharap ng mga ebidensiya sa impeachment trial sa kabila ng desisyon ng prosekusyon na hindi na ituloy ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment.

Ayon kay lead defense counsel Sheila Sison, iginagalang nila ang desisyon ng prosekusyon, ngunit hindi nito mababago ang plano ng depensa sa paglalahad ng mga ebidensiya laban sa mga natitirang paratang.

Sinabi ni Sison na hindi maaaring magpasya ang prosekusyon para sa respondent at sa kaniyang depensa, at hindi dapat makinabang ang prosekusyon sa mga paratang nang hindi pinatutunayan ang mga ito sa pamamagitan ng proseso ng paglilitis.

Nauna nang inanunsiyo ni House lead prosecutor Gerville Luistro na hindi na nila itutuloy ang Articles I, III at IV, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, bribery o panunuhol, at grave threats.

Dahil dito, Article II na lamang ang itutuloy ng prosekusyon, na tumatalakay sa umano’y hindi buong pagdedeklara ni Duterte ng kaniyang mga ari-arian, hindi pagbitaw sa mga interes sa negosyo at hindi maipaliwanag na yaman.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang simulan ng depensa ang paglalahad ng mga ebidensiya at saksi sa Nobyembre 9.