
Nakahanda si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalabas na desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber bukas, Nobyembre 28, hinggil sa kanyang apela para sa pansamantalang paglaya.
Halos siyam na buwan na siyang nakadetine sa ICC Detention Centre sa The Hague kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa umano’y extrajudicial killings sa war on drugs at operasyon sa Davao.
Pinabulaanan ng kanyang kampo ang kumalat na tsismis online na nawalan umano siya ng malay sa loob ng selda.
Nanatiling maayos ang kanyang kondisyon habang hinihintay ang magiging pasya ng korte.
Inaasahang pagbabatayan ng Appeals Chamber ang naunang desisyon ng Pre-Trial Chamber, na tumanggi sa hiling na pansamantalang paglaya dahil sa umano’y panganib ng pagtakas, posibleng panghihimasok sa proseso, at impluwensyang politikal ng pamilya Duterte.
Ayon sa legal counsel ng mga biktima, malaki ang posibilidad na manatili ang desisyong ito.
Kung marebisa man ang pasya at payagan ang pansamantalang paglaya, inaasahang haharap si Duterte sa mahigpit na kondisyon tulad ng limitadong pagbiyahe, pananatili sa pinagtakdang tirahan, at restriksiyon sa pakikipag-ugnayan sa mga biktima at saksi.
Pero kung mananatili ang pagbasura sa apela, maaari pa ring maghain muli ng kahalintulad na hiling ang depensa sa ilalim ng patakaran ng ICC na nag-aatas ng periodic review sa estado ng mga detenidong nasa pre-trial stage.
Samantala, nanindigan ang kampo ng mga biktima na patuloy nilang tututulan ang anumang panibagong pag-apela para sa pansamantalang paglaya.










