Asahan na magkakaroon na ng desisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board – Region 2 (RTWPB) kaugnay sa panibagong minimum wage adjustment para sa mga private workers ganundin sa mga kasambahay dito sa Region 2 bago matapos ang buwan ng setyembre.

Ayon kay Regional Director Jesus Elpidio Atal Jr. ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2, kinakailangan na magkaroon na ng desisyon ang RTWPB bago pa man umabot ito ng October 16, 2024 na aniversary date ng latest wage order.

Pagkatapos aniya ng desisyon ay dito na malalaman kung talagang kinakailangan ba ng pagtaas sa sahod sa mga private sektors at kung sakaling mayroon man ay aalamin din kung magkano ang itataas.

Sa ngayon ay aabot na sa 250 ang mga inaasahang dadalo sa september 3 public hearing sa Isabela Convention Center sa Cauayan City na magsisimula naman sa oras na alauna ng hapon.

Samantala, ibinahagi naman ni Atal na bago pa man ang itinakdang public hearing ay nagsagawa ng public consultation ang nasabing ahensiya sa mga iba’t ibang probinsiya dito sa Region 2.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-umpisa aniya ang nasabing konsultasyon noong August 7 sa Nueva Vizcaya, august 8 sa Quirino, august 13 sa Isabela, at august 14 naman sa Cagayan habang sa probinsiya naman ng Batanes ay nagkaroon ng zoom consultation noong august 15.

Sa nasabing public consultation ay magkakasalungat umano ang kagustuhan sa sektor ng mga manggagawa at employer kaugnay sa panibagong minimum wage adjustment kung saan sa panig ng mga employers ay hindi sila sang ayon na magkaroon ng pagtaas dahil hindi pa lubusang nakakarekober ang mga ito mula sa pandemya.

Habang sa mga manggagawa naman ay taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang pangunahing dahilan sa kanilang kahilingan na taas sahod at kung ito ba ay sapat para makabuhay ng isang pamilya.