Nilinaw ni House Justice Committee Chair at Batangas Representative Gerville Luistro na ang desisyon ng Korte Suprema na panatilihin ang ruling sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ay hindi makakaapekto sa impeachment proceedings laban kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ipinaliwanag niya na iba ang paraan ng paghain ng impeachment complaint laban sa pangulo kumpara sa vice president.

Ang mga complaint laban kay Marcos ay hinihain ng mga pribadong indibidwal at inendorso ng hindi bababa sa isang miyembro ng House of Representatives, kaya dadaan ang mga ito sa impeachment proceedings sa House Committee on Justice.

Samantalang ang complaint laban kay Duterte ay pinirmahan ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara at ipinasa sa Senado.

Kasabay nito, kasalukuyang ginagawa ang mga panuntunan o ground rules para sa impeachment hearings ng pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Plano ng komite na unahin ang minority bago ang majority sa pagtatanong, at limang minuto lamang ang bawat miyembro sa unang round ng tanong.

Ang sinumang may karagdagang tanong ay kailangan munang i-enlist para sa ikalawang round.

Nilinaw din ng ilang miyembro ng komite na ang parehong ground rules ay dapat ilapat sa lahat ng impeachable officials, kabilang ang pangulo at vice president.