
Wala pang inilalabas na court order para ipag-utos ang kanselasyon ng pasaporte ng nagbitiw na kongresista na si Zaldy Co, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa pahayag ng ahensya, sinabi nitong maaari lamang silang kumilos kapag nakatanggap na ng court order mula sa isang competent Philippine court na nag-uutos sa DFA na kanselahin ang isang Philippine passport.
Ayon sa DFA, nakasaad ito sa Sections 4 at 10 ng Republic Act 11983 o New Philippine Passport Act.
Sa ngayon, wala pa silang natatanggap na anumang kautusan.
Samantala, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas nang arrest warrants laban kay Co at 17 iba pa mula sa Department of Public Works and Highways at Sunwest Corp. kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control pojects ng pamahalaan.
Nananatili sa abroad si Co at sinabi ng kanyang abogado na hindi muna siya uuwi dahil umano sa banta sa kanyang buhay.










