Tinutulan ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga bagong hakbang ng China para palakasin ang pagbabantay nito sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, na tinatawag na Panatag Shoal ng Pilipinas.

Ayon kay DFA spokesperson for maritime affairs at Deputy Assistant Secretary Rogelio Villanueva Jr., hiniling ng Pilipinas sa China na bawiin ang mga inilabas nitong kautusan at igalang ang soberanya, karapatan, at hurisdiksyon ng bansa sa karagatan alinsunod sa international law at 2016 Arbitral Award.

Nauna nang iniulat na naglabas muli ang China ng implementing rules and regulations para sa Scarborough Shoal na layong palakasin ang kontrol nito sa lugar sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya at pag-iimbestiga sa mga aktibidad na itinuturing nitong paglabag sa batas ng China.

Samantala, kinumpirma rin ni Villanueva na nakarating sa DFA ang mga ulat tungkol sa umano’y military drills ng Chinese People’s Liberation Army Navy sa West Philippine Sea.

Ayon sa opisyal, patuloy na minomonitor ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ang mga naturang aktibidad habang nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pangangalaga sa karapatan at interes ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --