
Inanunsyo ng Department of Information and Communications Technology na hindi na itutuloy ang planong ipasara ang Roblox sa bansa.
Ang desisyon ay ginawa matapos ang pulong kasama ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center, mga law enforcement agency, pribadong sektor, at pamunuan ng Roblox.
Ayon sa DICT, naglatag ang Roblox ng mas mahigpit na safety measures tulad ng mas pinaigting na monitoring, reporting system, at age-appropriate content controls.
Maglulunsad din ang Roblox ng information campaign sa Abril 12 upang palakasin ang child safety sa kanilang platform.
Hinikayat naman ng DICT ang mga magulang na gamitin ang parental controls tulad ng pag-monitor ng screen time, pagtatakda ng spending limits, pag-block ng hindi angkop na content, at pagpili ng akmang edad na karanasan para sa mga bata.










