Mahigpit nang mino-monitor ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamamagitan ng Cybersecurity Bureau at ng National Computer Emergency Response Team nito ang nangyaring global cyber software outage.
Ayon kay Renato Paraiso, Assistant Secretary for Legal Affairs at DICT Spokesperson, ang patuloy na software outage ay sanhi umano ng maling update ng isang cybersecurity provider.
Ang software outage ay nakakaapekto sa mga kompanya sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas na nakaapekto sa ilang mga bangko at paliparan na gumagamit ng nasabing cybersecurity product.
Tinitiyak ng DICT sa publiko na ang departamento ay hindi gumagamit ng parehong cybersecurity service provider at walang DICT system o asset ang naapektuhan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga stakeholder upang makakuha ng detalyadong impormasyon at masuri ang buong epekto ng insidenteng ito.