Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko hinggil sa posibilidad ng Distributed Denial of Service (DDoS) attack o “traffic flood” sa darating na Miyerkules, Nobyembre 5, 2025.

Ayon sa ahensya, ang ganitong uri ng cyberattack ay nagdudulot ng sobrang trapiko sa mga system, server, o network, na maaaring magpabagal o magpahinto sa pag-access ng ilang website o mobile application. Nilinaw ng DICT na hindi ito isang data breach at walang panganib sa mga personal na account o impormasyon ng mga gumagamit.

Hinimok ng DICT ang publiko na manatiling kalmado at iwasan ang anumang ilegal na online na aktibidad. Pinayuhan din nitong subukang muli ang mga apektadong site o app makalipas ang ilang sandali, gamitin ang mga opisyal na app o status page, at sundan lamang ang mga beripikadong update.

Bilang bahagi ng Oplan Cyberdome, nakikipagtulungan ang DICT sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunications Commission (NTC), at iba pang ahensya upang mapanatiling ligtas ang mga online platform.

Aktibo ring nakabantay 24/7 ang National Computer Emergency Response Team (NCERT) upang matiyak ang seguridad ng digital space sa bansa. Pinapaalalahanan ang publiko na maging maingat, kalmado, at responsable sa paggamit ng internet.

-- ADVERTISEMENT --