Ipinakilala ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa mga market vendor sa lungsod ng Ilagan ang digital payment system.
Layunin ng digital cash payment system na gawing moderno ang lokal na komersyo at pabilisin ang mga transaksyon sa pagitan ng mamimili at nagbebenta bilang pagsunod sa Ease of Doing Business Act.
Sinabi ni DTI Isabela Trade and Industry Specialist Mel Mari Laciste na ang patuloy na pagsisikap ng DTI na isulong ang mga digital na pagbabayad ay inaasahang tataas ang mga benta, magbibigay ng seguridad laban sa pekeng pera, at mag-alok ng mas maayos na proseso ng transaksyon.
Una aniya nilang tinanong ang mga market vendor tungkol sa posibilidad ng proyekto at kung paano ipatupad ang cashless program sa pampublikong pamilihan.
Inihayag niya na nasa 50 vendor ang nakakuha ng kinakailangang kaalaman sa mga digital payment system sa pamamagitan ng PalengQR Program.