Nagbabala ang grupong Digital Pinoys sa posibleng panganib ng panukalang mandatory registration o verification ng lahat ng may social media accounts, sa kabila ng layunin nitong labanan ang misinformation at iba pang online harms.

Sa isang panayam, sinabi ng kanilang national campaigner na si Ronald Gustilo na suportado nila ang kampanya ng Department of Information and Communications Technology (DICT) laban sa fake news, online threats, at iba pang digital na krimen, ngunit may kaakibat umanong seryosong downside ang sapilitang social media registration.

Giit ni Gustilo, maaaring magamit ang registration system sa profiling ng mga online whistleblower at mga indibidwal na umaasa sa anonymity upang ligtas na maipahayag ang kanilang saloobin.

Babala pa niya, ang anonymity ay mahalagang proteksiyon lalo na sa mga taong naglalantad ng katiwalian o sensitibong impormasyon, at maaari itong mauwi sa banta sa kanilang kaligtasan kung mawawala.

Isa rin umanong malaking tanong ang seguridad ng datos, partikular kung gaano kasigurado na ligtas ang impormasyong ibibigay ng mga Pilipino sa social media platforms at kung ito ay hindi mapupunta sa mga third-party marketing partners.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni Gustilo na nauunawaan nila ang intensiyon ng DICT na pigilan ang mga nagtatago sa anonymity para gumawa ng krimen online, ngunit iginiit niyang kailangan muna ng malinaw na batas bago ito ipatupad, katulad ng naging proseso sa SIM Registration Law.