
Naniniwala ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) na unti-unti nang nawawala ang dignidad at kredibilidad ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senator Alan Peter Cayetano.
Ayon kay ABKD Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malayo na ang kasalukuyang Senado sa panahon nina Jose Diokno, Raul Roco, Juan Flavier, Miriam Defensor Santiago, at Franklin Drilon na nakilala dahil sa talino, disiplina, makabayan at marespeto sa Institusyon.
Para kay Goitia, malinaw itong makikita sa reorganisasyon ng Blue Ribbon Committee kung saan marami ang nagtaas ng kilay matapos italaga si Sen. Rodante Marcoleta bilang vice chairman sa kabila ng mga reklamong kinahaharap nito.
Tinukoy rin ni Goitia ang naging kilos ng ilang senador mula sa mayorya kaugnay ng ICC warrant of arrest laban kay Sen. Bato Dela Rosa sa kasong crimes against humanity dahil ipinapakita nito ang pagprotekta sa mga political ally sa halip na pangalagaan ang integridad ng institusyon.
Kinuwestiyon din ni Goitia ang pahayag ni Sen. Imee Marcos tungkol sa umano’y planong pagbuo ng constitutional assembly lalo na’t lumitaw lamang ito sa panahong tumitindi ang atensyon ng publiko sa usapin ni Dela Rosa.
Sa huli, iginiit ng grupo na mas nakikita ng marami ang House of Representatives bilang mas organisado at mas seryosong Institusyon kumpara sa kasalukuyang Senado.





