Aminado ang Metro Tuguegarao Water District (MTWD) na may ilang lugar sa lungsod na nagkakaroon ng maitim at dilaw na kulay ng tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo.

Kaugnay nito, nilinaw ni Engr. Miller Tanguilan, general manager ng MTWD na hindi ito nangangahulugan na hindi na maaaring hawakan, gamitin o inumin ang nasabing tubig.

Ipinaliwanag niya na ang pagkakaroon ng discoloration o kulay ng tubig ay dahil sa iron at manganese content na nagkakaroon ng reaksyon sa inilalagay na purification chemicals upang matiyak na malinis ang tubig na lumalabas sa mga gripo.

Idinagdag pa niya na depende rin ito sa tagal ng paggamit ng tubig, kung saan nararanasan ang discoloration kung ilang oras na hindi binuksan ang gripo.

Sinabi ni Tanguilan na mayroon silang ginagawa na short term solution sa nasabing problema sa pamamagitan ng flashing.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ang pangmatagalang solusyon naman ay ang paglalagay ng filtration facility sa mga apektadong pumping stations dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Subalit sinabi ni Tanguilan na walang sapat na pondo ang MTWD para sa nasabing pasilidad dahil kailangan ng malaking halaga.

Ayon sa kanya, kailangan ang P350,000 per liter per second para sa purification, kung saan sa Tuguegarao ay 40,000 ang siniserbisyuhan ang MTWD.

Sinabi ni Tanguilan ang inuna kasi ng board ng MTWD ay matiyak ang availability, sustainability, at resiliency ng water supply.

Kasabay nito, sinabi ni Tanguilan tataas na rin ang meter maintainance fee, para hindi na magbabayad ang consumer kung magkakaroon ng problema sa metro.