TUGUEGARAO CITY- Walang ligal na basehan ang memorandum order ni Vice Mayor Solferino Agra Jr. na nagsasabing uupo siya bilang acting mayor dahil sa pagiging incapacitated umano ni Mayor Celia Layus dahil sa kanyang sakit.
Ito at batay sa sagot ng Department of Interior and Local Governmet o DILG Region 2 sa tanong ng mga department heads ng LGU Claveria dahil sa nalilito na rin sila kung sino ang kanilang susundin matapos na maglabas din ng memorandum order ang kampo ng alkalde na hindi bakante ang nasabing posisyon at ang kasalukuyang alkalde pa rin ang namumuno sa kanilang bayan.
Nakasaad sa tugon ng DILG, tanging ang korte lamang ang maaaring magdeklara na bakante ang isang local position dahil sa incapacity o hindi na kayang gampanan ng isang opisyal ang kanyang tungkulin.
Wala rin umanong kapangyarihan ang DILG o sinumang opisyal na magdeklara na bakante o resigned ang alkalde.
Dahil dito, sinabi ni Victor Santos, Municipal Local Government Operations Officer ng Claveria na si Mayor Layus pa rin ang alkalde ng kanilang bayan.
Sinabi ni Santos na natalo din si Agra sa inihain niyang kaso laban kay Layus kaugnay sa kanyang pagiging incapacitated na lalong patunay na walang basehan para siya ay umupo bilang acting mayor.
Gayonman, sinabi ni Santos na mas mabuting hintayin na lamang kung ano ang magiging desisyon ng korte sa inihain na motion for reconsideration ni Agra.
Sinabi niya na habang wala pang desisyon ang korte sa MR ni Agra ay mananatili ang status qou sa Claveria.
Samantala, sinabi ni Santos na bumaba na bilang ng mga nagpopotibo sa covid-19 sa kanilang bayan.
Ayon sa kanya, dalawa hanggang tatlo na lang sa isang araw ang nagpopositibo sa mga resulta ng swab test.
Ayon kay Santos, ang biglaang pagtaas ng kaso ng covid-19 sa kanilang bayan ay dahil sa isinagawang agressive mass testing ng Provincial Health Office at ng LGU.
Idinagdag pa niya na nagbigay na rin ng tatlong karagdagang contact tracers ang DILG dahil dalawa lang ang kanilang contact tracers.
Sa ngayon ay 184 ang active cases ng covid-19 sa Claveria.