
Mahigpit na ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatupad ng tinaguriang “Anti-Epal” policy sa buong bansa.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Sabado, sinabi ng DILG na alinsunod ito sa Memorandum Circular No. 2026-006 na nag-uutos sa lahat ng opisyal ng lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay—pati na rin sa mga tanggapan ng DILG sa sentral, rehiyonal, at field level—na tiyaking walang pangalan, larawan, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang palatandaang nagkakakilanlan ng isang opisyal ang makikita sa mga project signage, marker, tarpaulin, at iba pang katulad na materyales na pinondohan ng pera ng bayan.
Binanggit din sa circular ang prinsipyo ng 1987 Konstitusyon na ang panunungkulan sa gobyerno ay isang tiwala ng bayan, gayundin ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at mga patakaran ng Commission on Audit (COA) na itinuturing na hindi kinakailangang gastusin ang mga personalisadong display sa mga proyektong pampamahalaan.
Dagdag pa ng DILG, sinusuportahan din ng 2026 General Appropriations Act ang nasabing polisiya dahil malinaw nitong ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan at larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Sinabi ng DILG na kaakibat ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing malaya ang mga proyekto ng gobyerno mula sa pansariling promosyon at personality branding.
Hinikayat din ang publiko na i-report ang mga lalabag sa Anti-Epal policy.










