Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isinauli ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the President ang P500 milyong intelligence fund na inilipat sa Philippine National Police (PNP) para sa 2025, dahil hindi ito hiningi ng ahensya.
Lumabas ang pahayag ni Remulla sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang ₱287.48 bilyong badyet ng DILG at mga attached agencies para sa 2026. Ayon sa kalihim, hindi ginamit ang nasabing pondo dahil hindi ito bahagi ng orihinal na panukala ng DILG.
Bagamat hindi pinangalanan kung sino ang nasa likod ng insertion, binanggit ni Remulla na ito ay may kaugnayan umano sa isang indibidwal na humiling ng importasyon ng 3,000 container ng isda—na dati nang isiniwalat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kaugnay ng kontrobersyang kinasangkutan ng dating kongresista Zaldy Co.
Nilinaw din ng kalihim na ang pagbawas sa intelligence fund ng PNP mula ₱1.3 bilyon ngayong 2025 tungong ₱800 milyon sa 2026 ay dahil sa pagsunod ng PNP sa National Expenditure Program (NEP), hindi sa General Appropriations Act (GAA).