Kuntento ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa takbo ng clearing operations na isinasagawa sa Tuguegarao City.

Kaugnay ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng paglilinis ang mga lokal na pamahalaan sa lahat ng road obstructions sa kanilang nasasakupan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, pinuri ni DILG RO2 Director Jonathan Paul Leusen Jr si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa malaking porsyento ng iniluwag ng kalsada sa lungsod.

Kabilang sa mga kategorya na sinuri ng DILG ay ang pagpapatupad ng ordinansang nagbabawal sa ilegal obstructions, pagkakaroon ng task force sa pagpapatupad nito at ang mga programa para sa maayos na paglilipatan ng mga naapektuhan.

Kaugnay nito, inirekomenda ni Leusen kay Mayor Soriano na isunod na linisin ang mga secondary streets sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na July 29, 2019 nang nag-isyu ang DILG ng Memorandum Circular na nag-uutos sa lahat ng gobernador, alkalde at punong barangay na gamitin ang kanilang kapangyarihan upang muling makuha ang lahat ng publikong daan at tanggalin ang mga iligal na mga imprastraktura.