Nagbabala si DILG Secretary Benhur Abalos na makukulong at makakasuhan ang sinumang mga opisyal ng barangay na mapatutunayang sangkot sa pag areglo ng mga kasong may kinalaman sa pag abuso sa mga bata on line man ito o aktuwal.
Sa press briefing sa malakanyang, binigyang diin ni abalos na hindi dapat ina areglo ng barangay ang ganitong mga uri ng kaso dahil isa itong mabigat na krimen laban sa mga bata.
Karaniwan kasi aniyang hindi na nakararating sa mga otoridad ang mga kaso ng online sexual abuse sa mga bata dahil sa barangay pa lang inaareglo na sa tulong pa mismo ng mga opisyal ng barangay, kaya hindi tuloy napapanagot ang nasa likod ng krimen.
Dahil dito, sinabi ni Abalos na kapag nakatanggap ng reklamo ng pag abuso sa mga bata, hindi na dapat pang magdalawang isip dito ang mga taga barangay, kundi dapat agad na I endorso sa pulis para rito masimulan ang proseso ng imbestigasyon at pag usad ng kaso.