Naghain ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez kaugnay sa pagtanggap umano ng kickbacks.

Sa isang press briefing, inakusahan ni DILG Secretary Jonvic Remulla si Fernandez na tumanggap ng P14 million na kickbacks at minanipula ang bidding ng mga ambulansiya para sa BFP.

Sinabi ni Remulla na nadiskubre ng kanyang tanggapan, na may superbisyon sa BFP, ang mga iregularidad sa procurement process.

Una rito, sinabi ni Remulla na nagkamal ang BFP ng P15 billion taon-taon sa pamamagitan ng mga kuwestionableng mga transaksyon, kabilang ang pagpilit sa business owners na bumili ng fire extiguishers mula sa suppliers na may koneksyon sa fire inspectors, naniningil ng bayad para sa kumpletong firefighting services, at humihingi ng pera mula sa mga aplikante na nagnanais na magtrabaho sa ahensiya.

Matatandaan na tanging pinangalanan ni Remulla si Fernandez, kung saan inakusahan niya ang opisyal na nagpadala ng emissary sa isang malapit na kaibigan para suhulan siya ng P1.5 million na kickbacks para sa bawat fire truck na naibenta sa BFP.

-- ADVERTISEMENT --