Pinakikilos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan at barangay sa buong bansa upang matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas 2026, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo at memorial parks ngayong araw, November 1 hanggang bukas November 2,2026.

Sa pamamagitan ng memorandum circular, inatasan ng DILG ang mga Local Government Unit (LGU) na magpulong ang kanilang Local Peace and Order Councils upang plantsahin ang mga hakbang sa seguridad, crowd control at pamamahala ng trapiko.

Kabilang din sa dapat pakilusin ang mga barangay tanod, medical personnel, traffic enforcers at iba pang puwersang tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan.

Batay sa datos ng DILG, nasa 282,989 barangay tanod mula sa 42,010 barangay sa buong bansa ang nakahandang i-deploy bilang force multipliers katuwang ang mahigit 111,000 pulis na magpapatrulya sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko. Ilang LGU na rin ang nagsagawa ng kani-kanilang paghahanda.

Sa Baguio City, ipinatutupad ang Oplan Kaluluwa at Oplan Harabas para sa seguridad, traffic management at fire prevention.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Sagada naman, nagsagawa ng information drive ang pulisya at mga barangay peacekeeping team laban sa pagnanakaw at iba pang insidente, kabilang ang paalala sa mga turista.

Naglabas din ng mga panuntunan ang Mandaue City para sa kaayusan at kaligtasan ngayong Kalag-kalag, habang nagsagawa naman ang Malolos City ng asphalt overlay at road patching malapit sa sementeryo sa Barangay Panasahan upang matiyak ang mas ligtas na biyahe ng mga motorista at pedestrian.