Tahasang inakusahan ng Kabataan Partylist ang hanay ng pulisya at militar na umanoy nasa likod ng malawakang dayaan sa katatapos na midterm election.
Naging batayan ni James Paredes ng Kabataan Party-list sa pandaraya ang pag-kakasangkot ng mga pulis at militar sa umanoy electioneering o partisan politics.
Ayon kay Paredes, may mga ebidesya sila na magpapatunay sa paninira ng PNP at AFP sa red tagging sa mga progresibong grupo at pamamahagi ng babasahin o campaign paraphernalia sa mga botante.
Kagagawan din umano ng mga elemento ng estado ang kumalat na mapanirang text messages laban kay Senatorial aspirant Neri Colmenares na bigong makapasok sa magic 12 ng senatorial slate.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag ng Kabataan Partylist ang COMELEC sa mga aberyang naranasan sa automated system at ang maraming reklamo ng vote buying ngayong taon.
Hiniling ni Paredes ang pagsasagawa ng transparency audit para sa accountability ng mga boto dahil triple umano ang naitalang anomalya sa paggamit ng Vote Counting Machines ngayong taon.