TUGUEGARAO CITY-Magsisimula bukas, Hulyo 21, 2020 ay ipatutupad na ang 75 percent capacity ng dine-in sa mga restaurant sa lungsod ng Tuguegarao habang nakasailalim pa rin sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang probinsiya laban sa Coronavirus disease 2019 (covid-19).

Sa panayam kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano,ito ay batay na rin sa kautusan ng Department of Trade and Industry (DTI)ngunit kailangan ay maging responsible ang mga mamamayan sa pagsunod sa mga alituntunin kontra sa virus.

Kaugnay nito , sinabi ni Soriano na hanggang alas-onse na ng gabi ang dine-in sa mga restaurant.

Dahil dito,inirekomenda na rin sa konseho ng Tuguegarao ang ordinansang naglalayong gawing 12 ng hating gabi hanggang 4o’clock ng madaling araw ang curfew hours para mabigyan din ng oras ang mga indibidwal na umuwi mula sa mga restaurant at para mapaaga rin ang preparasyon ng mga nagtitinda at maagang magbukas.

Aniya, bukas ay malalaman ang desisyon ng konseho ukol sa nasabing ordinansa.

-- ADVERTISEMENT --

Sa usapin naman ng backriding sa motorsiklo ay mananatili ang dating ipinatutupad na tanging mag-asawa , maglive-in o magkasintahan na nakatira sa iisang bahay ang maaari lamang na magka-angkas ngunit kailangang magpakita ng dokumento bilang patunay na sila’y namamalagi sa iisang tahanan.

Kanya-kanyang diskarte pa rin ang ilalagay na barrier dahil hanggang sa ngayon ay wala pang ibinababang standard model para sa back-ride policy.

Nilinaw naman ni Soriano na hindi pa rin pinapayagan na magbukas ang mga bar kung kaya’t hinimok nito ang mga may-ari na gawing kainan na lamang ang kanilang pwesto.

Kailangan lamang na kumuha ng ibang permit sa business permits and licensing office (BPLO)-Tuguegarao para maging legal ang kanilang negosyo.

Tinig ni Mayor Jefferson Soriano

Samantala, nagpasalamat ang alkalde sa publiko sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga colorum na van na nagbibyahe ng mga Locally stranded Individual (LSIs) na mula sa kalakhang Maynila.

Sinabi ng alkalde na simula ng magbigay siya ng babala sa mga ito noong nakaraang linggo ay wala ng namomonitor na gumagawa ng kaparehong illegal na gawain.