Tinukoy nina Akbayan Representative Chel Diokno at ML Party-list Representative Leila de Lima ang kakulangan sa pagtalakay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Diokno, hindi binanggit ni Marcos ang mga mahalagang usapin gaya ng pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at ang pananagutan ng mga nasa likod ng extrajudicial killings noong nakaraang administrasyon, lalo na kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit din niyang wala pa ring malinaw na hakbang laban sa korapsyon, partikular sa mga sindikato at malalaking kumpanya.
Binigyan niya ng “incomplete” na grado ang SONA dahil sa mga ito.
Samantala, binigyang-diin ni De Lima na dapat ay tinalakay din ng Pangulo ang isyu ng pananagutan kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Aniya, kahit hindi kontrahin ang desisyon ng hukuman, mahalaga sanang binigyang-diin ni Marcos ang papel ng pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Rep. Arnan Panaligan na nananatiling may kapangyarihan ang mga ahensyang tulad ng Ombudsman upang magsagawa ng imbestigasyon at managot ang mga opisyal ng gobyerno.