Personal na nagtungo kahapon sa lalawigan ng Quirino si PBGen Angelito Casimiro, Regional Director ng Police Regional Office (PRO2) upang makiramay sa pamilya ng isang pulis na nasawi sa nangyaring engkwentro laban sa NPA sa bayan ng San Guillermo, Isabela.

Dumalaw ito sa burol at binigyan ng tulong pinansyal ang pamilya ng naulila ni Patrolmnan Henry Gayaman.

Binisita rin ng bagong talagang director ng PRO-02 ang tatlong iba pang sugatang pulis na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Bukod sa ibinigay na tulong pinansiyal sa mga sugatang pulis, iginawad ni Casimiro ang medalya ng ‘Sugatang Magiting’ kina PCPL Edieboy Vinasoy, Patrolman Stephen Olosan at Patrolman Alfred Taliano na pawang mga miyembro ng 205th Manuever Platoon ng Regional Mobile Force Company.

Kinilala rin ni Casimiro ang ipinakitang kabayanihan ng mga pulis habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inako ng Benito Tesorio Command ng New People’s Army ang naganap sa sagupaan sa Burgos at San Mariano Norte, San Guillermo, Isabela na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa.