Patuloy na pinaiigting ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 ang paglulunsad ng mga aktibidad bilang hakbang sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.
Sa panayam kay Sunshine Asuncion, tagapagsalita ng ahensya, mahalagang bigyan ng importansya ang pagtugon sa mga kalamidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kaalaman sa publiko na makatutulong sa kanilang agarang pagtugon.
Sinimulan ang kick off ceremony ng pagdiriwang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng online quiz bee nitong Hulyo 1 at sinundan ng pagsasagawa ng mga webinars.
Ayon kay Asuncion, sa mga susunod na araw ay mayroon pa rin silang isasagawa na iba pang webinars na tatalakay sa usapin ng disaster risk reduction and management, disaster preparedness, disaster response, rehabilitation and recovery.
Layon aniya ng mga aktibidad na ito na mabigyan ng sapat na kaalaman at maihanda ang publiko sa lahat ng mga posibilidad ng kalamidad.
Bukod dito ay mayroon din aniya silang ilulunsad na TREEsilience sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy sa bahagi ng lower magat at sa Ecotourism park sa Nueva Vizcaya.
Ang taunang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ay pinagtibay sa pamamagitan ng Executuve Order No. 29-2017 na layuning isakatuparan ang mandato ng pagsasagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa disaster resilience sa bansa.