Naghain ng disbarment complaint ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights advocates laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Supreme Court (SC).
Dala-dala ng mga naghain ng reklamo ang mga plakards na may larawan si Duterte at may nakasulat na mamamatay tao at hindi umano karapat-dapat na abogado at bastos na tao.
Sinabi ni Atty. Vicente Jaime Topacio, na hindi karapat-dapat na maging abogado si Duterte dahil sa kanyang mga pagmumura, nilalait ang mga kababaihan, binabalewala ang proseso, at ang pag-amin niya na siya ay pumatay na ng tao.
Ayon kay Topacio, anak siya ng consultants na sina Agaton Topacio at Eugenia Magpantay na pinatay noong administrasyon ni Duterte.
Samantala, sinabi naman ni Llore Pasco na hindi dapat na manatiling abogado si Duterte dahil hindi niya ipinaglalaban ang karapatan ng mga mamamayan, lalo na ang mga mahihirap.
Si Crisanto ay ina ni Crisanto at Juan Carlos na napatay sa anti-drug operation noong 2017.
Binigyang-diin ni Pasco na hindi siya mapapagod kasama ang iba pang pamilya ng mga biktima ng EJK sa kanilang ipinaglalaban.
Noong Oktubre, sinabi ni Duterte sa congressional hearing na aakuin niya ang lahat ng legal responsibility sa drug war ng kanyang administrasyon.
Sinabi pa ni Duterte na isinagawa ang madugong drug war upang protektahan ang mga Filipino.
Ayon sa kanya, ginawa niya ang lahat para tugunan ang problema ng bansa sa illegal drugs na walang kompromiso.
Batay sa records ng pamahalaan, nasa 6,200 drug suspects ang napatay sa police operations mula June 2016 hanggang November 2021, subalit kinontra ito ng maraming human rights groups at sinabi nilang posibleng umabot ang bilang sa 30,000 dahil sa mga hindi iniulat na mga pagpatay sa war on drugs.